Mobile Alerts  Newsletter  Archives  About Us  Advertise with Us Twitter GMANews.TV Facebook GMANews.TV RSS GMANews.TV
Pinoy Abroad

Mga kandidato umarangkada sa unang araw ng kampanya

MANILA – Kanya-kanyang gimik, pagpapapogi at paninira sa kalaban ang bumungad sa unang araw ng kampanya nitong Martes para sa mga kandidato sa pambansang posisyon sa darating na halalan sa Mayo.

Pinili ni Bangon Pilipinas presidential bet Bro. Eddie Villanueva ang Luneta sa Maynila gawin ang panimula niyang kampanya upang ilatag ang higanteng watawat ng bansa sa Quirino Grandstand.

Emosyunal na inihayag ni Villanueva, lider ng Jesus if Lord Movement (JIL) na ang paglalatag ng higanteng watawat ay simbulo ng bagong pag-asa ng bansa. Inilahad naman ni dating Pangulong Joseph Estrada sa Plaza Miranda sa Maynila ang pagnanais niyang bumalik sa Malacanang.

Sina Bangon Pilipinas standard bearers Eddie Villanueva at Perfecto Yasay sa Luneta. Danny Pata


Sa Quiapo, Maynila rin nag-ikot ang independent presidential candidate na si Sen Jamby Madrigal, habang sa sariling bayan sa Olongapo City naman sinimulan ni Kapatiran Party standard bearer JC de los Reyes ang kanyang kampanya.

Dumalo naman sa isang misa si Liberal Party presidential bet Sen Benigno "Noynoy" Aquino III, bago nag-ikot sa kanyang lalawigan sa Tarlac. Ang mahigpit niyang kalaban na pambato ng Nacionalista Party na si Sen Manny Villar ay dumalo rin ng misa sa isang simbahan sa Laguna bago nangampanya sa bayan ng Calamba, ang bayang sinilangan ng pambansang bayani na si Dr Jose Rizal.

Nagsagawa naman ng motorcade si Sen Richard Gordon kasama ang kanyang running mate na si Bayani Fernando sa Marikina bago tumulak patungong Imus, Cavite.

Si independent presidential bet Sen. Jamby Madrigal habang nanunuyo ng boto sa Quiapo, Manila. Danny Pata

Tinatayang aabot umano sa 15,000 tao ang sumaksi sa panimulang kampanya ni administration candidate Gilbert “Gibo" Teodoro sa Tanay, Rizal, kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Interior and Local Government Sec. Rolando Puno.

Tahimik naman sinimulan ni Nicanor Perlas ang kampanya sa panguluhan sa pamamagitan ng campus tour sa Ateneo de Manila University. Sa Sabado umano nito gagawin ang campaign kickoff sa lalawigan ng Cebu.

Tirada, gimik

Bagaman walang pangalang binanggit, mistulang kinuyog pa rin si Villar ng mga kalaban sa pinakamataas na posisyon sa bansa matapos pasaringan nina Aquino, Madrigal, Gordon, at Estrada ang magastos na kampanya ng ibang kandidato.

Gayunman, dinumog ang kick-off rally ni Villar kasama ang running mate na si Sen Loren Legarda at mga kandidatong senador. Ilan sa mga artistang nakita sa rally ng NP na galing din umano sa mahirap na pamilya ay ang mga singer na sina Bugoy Drilon, Yeng Constantino, Black Jack, Lito Camo, at April Boy Regino.

Tulad nang inaasahan, patok ang campaign jingle ni Villar na "Naging Mahirap," na pinatugtog nang dumating ang pambato ng NP.

Si LP presidential bet Sen. Benigno Aquino III sa Concepcion, Tarlac. Jam Sisante

Hindi rin nawalan ng artista ang LP ni Aquino na dinaluhan ni Coco Martin at activist-entertainer Juana Change. Kasama rin si Korina Sanchez, asawa ni Sen Mar Roxas na katambal ni Aquino.

Pumatok din ang ginawang pag-rap ni Aquino sa bahagi ng kanyang campaign ad na: "Baguhin ang buhay maglilingkod sa inyo. Buong mundo ipagmalaki mo, tayo'y Pilipino."

Iginiit naman ni Gordon na kahit kapus sila sa pondo, ipinagmamalaki nila ang nagawa nila ni Fernando bilang dating lokal na lider. Si Gordon ang dating alkalde sa Olongapo, habang sa Marikina naman si Fernando.

Bukod sa trak na kamukha ng robot na si Optimus Prime sa cartoon series na Transformers, inaliw din nila ang mga tao sa kanilang kanta na “Imagine" ng grupong Beatles.

Kinantahan ng mga bata sina NP standard bearers Manuel Villar at Loren Legarda sa Laguna. Cesar Tomambo

Pinasaringan din ni reelectionist senator Jinggoy Estrada si Villar na ginaya umano ang kulay (orange) at tatak-masa ng kanyang ama na si Erap.

Buwelta naman ng kampo ni Villar, tinawag ni reelectionist senator Miriam Defensor Santiago na, “pangit at mukhang butiki," ang mga naninira umano sa pambato ng NP.

Idinepensa rin ni Legarda ang kanyang katambal na si Villar sa mga batikos at alegasyon na ito ang “lihim na kandidato" ni Pangulong Gloria Arroyo.

Namigay ng leaflet sa Olongapo Cirt si Kapatiran Party presidential bet JC Delos Reyes. John Bayarong

Ayon kay Legarda, marami siyang natutunan sa pagsama sa kampanya ni Villar at isa na rito ang hindi paggamit ng maruming taktika ng pulitika o hindi paninira sa kalaban.

Maging si Teodoro ay nagdeklara na hindi nila gagayahin ang taktika ng ibang kandidato na "nagbabatuhan ng putik." Pinasaringan din ng kanyang running mate na si Edu Manzano si Aquino na hindi na umano kailangan ang manumpa na hindi magnanakaw sa kaban ng bayan.

Kumpiyansa ang kampo ni Teodoro na maipapanalo pa rin nila ang manok ng administrasyon sa tulong ng mga lokal na lider na kaalyado ng Malacanang. - GMANews.TV
ADVERTISEMENT
Protesters begin weekend march around Thai capital
2010-03-20 13:59:51
Protesters riding thousands of motorcycles and crammed into trucks and cars set off Saturday for...
Pinoys on a mission in ITF juniors tilt
2010-03-21 13:05:49
The country’s top junior netters are expected to play with a mission when they compete in the...
Pinoy programmers highlight SF Game Developers Convention
2010-03-21 04:27:09
Filipino software developers are "game" and ready to make a splash in the multibillion-dollar...
Finding out who Tarlac’s presidential favorite is—in five easy steps
2010-03-21 03:08:25
CONCEPCION, Tarlac—Tarlaquenos of this almost-urbanized town are divided on whom to vote in the...