Filtered By: Topstories
News

2 reporter kinasuhan ng libelo ng bagong gubernador ng Quezon


Sinampahan ni Quezon Governor-elect Rafael Nantes ng kasong libelo ang dalawang mamamahayag sa Lucena matapos diumano siyang iugnay sa operasyon ng droga sa probinsya maging ang pagkakasangkot niya sa pag-ambush sa kanila. Pinangalanan sina Delfin Mallari, correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Katimugang Luzon at Johnny Glorioso, isang radio correspondent, na binanggit ni Nantes na tinawag siya bilang illegal drug operator at may utak sa tangkang pagpatay sa dalawang mamamahayag. Ang reklamo na inihain sa Quezon City prosecutor’s office noong ika-22 ng Hunyo, kung saan sinasampahan ng anim na bilang ng libelo at malicious publication sina Mallari at Glorioso. Sinabi ni Nantes na ang paghahain niya ng reklamo ay dahil sa paglalabas ng mga ito ng special edition ng nasabing dyaryo, “to malign, defame, discredit, and dishonor my name and reputation and also to maliciously impute a crime, vice, or defect on my person that tarnished my name and that of my family." Sina Mallari at Glorioso rin ang tagapaglathala ng local na dyaryong, Ang Diyaryo Natin. Noong Abril, sina Mallari at Glorioso ay binaril ng mga hindi pa nakikilalang lalaki habang papunta sa trabaho. Natamaan ng bala sa tiyan si Mallari habang hindi naman napaano si Glorioso. "Congressman Nantes is my principal suspect as the mastermind behind the plot to kill us… Why do I suspect him of such? Drugs not politics…(Why do the demons have to kills us?)," ayon sa isang bahagi ng kolum ni Mallari. Ayon kay Nantes, dating congressman ng unang distrito ng Quezon, siya diumano ang tinutukoy na demonyo sa artikulo. "I categorically deny all these malicious and libelous imputations that was clearly designed, made, crafted and manufactured in order to tarnish and blacken my name and cause damage to my reputation," ani Nantes. Isinangkot pa nina Mallari at Glorioso sa kanilang mga kolum si Nantes na siyang responsable sa pag-smuggle ng P150 milyong halaga ng ilegal na droga sa isla ng Polilio. Ang pera diumano na mula sa nasabing shipment ay gagamitin ng kongresista sa kanyang kampanya sa re-election noon. Iginiit pa ng dalawa na may kinalaman si Nantes sa pagpatay kay former Quezon Rep. Marcial Punzalan, pitong taon na ang nakalilipas. Umalma naman si National Press Club (NPC) president Roy Mabasa at sinabing paiigtingin nila ang kampanya na ma-decriminalize ang kasong libelo. Inutusan din nito na pag-aralan ni NPC legal counsel Berteni Causing ang implikasyon ng kanilang panukala. Hinihiling din ng National Union of the Philippines ang pag-decriminalize ng kasong libelo. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV